Ako bilang AKO.
Ako si Ailyn Joyce R. Sarte at ako ay ipinanganak sa Maynila noong ika-5 ng Abril taong 1994. Isa lamang akong simpleng tao, na may simpleng pangarap. Ambisyong makapagtapos ng pag-aaral, magkaroon ng magandang pamumuhay kasama ng mga taong mahal ko sa buhay. Ang aking pamilya at mga kaibigan ang nagsisilbing buhay ko. Sila ang aking inspirasyon sa lahat ng mga ginagawa ko. Isa akong masayahing tao, pero may malalim na ugali.
Malaki ang aking pamilya, ngunit hiwalay na ang aking mga magulang. Ang aking ina na lamang ang tumataguyod sa aming mga magkakapatid, sa tulong na din ng aking kuya. Ang aking pamilya ay binubuo ng aking ama at ina, kasama ang aking dalawang kuya at dalawa pang nakababatang kapatid. Si Kuya Aaron ang panganay, kung saan sya ay bumukod na sa amin at ngayon ay nasa Taytay dahil may sarili na siyang pamilya. Si Kuya Alvin naman ay kasama namin dito sa bahay, siya ang nagbabantay at gumagawa ng mga gawaing bahay. Siya na din ang tumatayong ama namin dito sa bahay. Ako bilang ate. At may dalawa pang nakababatang kapatid, sina Allen at Arian.
Sa kasalukuyan, kami ay nakatira sa Caloocan City. Nagsimula akong pumasok ng paaralan nung ako'y apat na taong gulang. Ako'y nag-aral ng preparatorya hanggang ikalawang taon sa sekundarya sa Krislizz International Academy sa Trece Martirez, Cavite. Noong ako'y bata pa, lagi akong nangunguna sa aming klase. Lagi akong sinasabitan ng medalya. Taong 2008, ang aking pamilya ay nagdesisyon na lumipat ng tirahan dito sa Caloocan. Pinagpatuloy ko ang aking pag-aaral sa St. Dominic Savio College para sa aking ikatlong taon sa sekundarya. Nilipat ako ng aking ina ng paaralan sa St. Anthony Nova School kung saan ako'y nakapagtapos ng sekundarya. Pinagpatuloy ko ang aking pag-aaral sa kolehiyo sa National College of Business and Arts, kung saan kumuha ako ng kursong Bachelor of Science in Business Administration. Sabi ng nanay ko, matalino naman daw ako, tamad nga lang. Di man matataas ang aking mga grado, hindi naman ako nakakakuha ng mga bagsak na grado.
Noong bata ako, spoiled ako. Palibhasa, nung hindi pa pinapanganak ang bunso kong kapatid na babae, ako ang kanilang kaisa-isang anak na babae. May sarili akong katulong, madaming laruan at mga damit. Prinsesa ang turing nila sakin noon. Kaya nahirapan akong mag-adjust nung ipinanganak si Arian. Natuto na akong gumawa ng mga gawaing bahay. Ang pagsasaing pa nga ang una kong natutunan. Kaya konti lang yung alam ko sa gawaing bahay kasi hindi ko nakasanayan. Tanging paghuhugas ng pinggan, pagwawalis at pagsasaing lang ang madalas kong gingawa sa aming bahay.
Iba ang ugali ko kapag kasama ko pamilya ko at mga kaibigan ko. Maldita ako sa aming bahay. Lagi lang akong nasa kwarto, nagtetetxt at panay tulog. Hindi gaya ng ibang tao, madalas lang kami nag-uusap mag-ina. Mag-uusap lang kami pag may itatanong, pag manghihingi ng pera. Siguro, mabibilang mo sa daliri ng kamay mo kung ilang beses lang kaming nagtawanan. Hindi kami close ng nanay ko. Kahit na magkasama lang kami sa iisang bahay, pakiramdam ko nasa ibang bansa sya. Maaga siya umaalis para magtrabaho, sa mga oras na yun, tulog pa ako. Alas-singko ng hapon siya umuuwi, samantalang ako, gabi na. Pagkauwi ko, hahalik lang ako sa kanya at papasok na ulit sa aking mundo, ang aking kwarto. Iniinitindi ko na lang siya dahil siya naman ang tumataguyod sa amin. Nakakatawang isipin na ang tanging bonding na lamang namin ay ang mag-grocery. Tahimik lang ako sa bahay. Pero pag kasama ko na ang aking mga kaibigan, maingay ako. Makulit ako, patawa. Hindi ko alam kung bakit magkaiba yung pinapakita kong ugali sa aking pamilya. Siguro dahil na lamang yun sa pagkakaroon ko ng isang broken family.
Hindi ko naman masisisi ang aking mga magulang kung bakit sila naghiwalay. Si Daddy, nagkaroon ng kirida. Kaming tatlong magkakapatid ang nakahuli sa kanya noon. Nataranta ako noon, di ko alam kung ano gagawin ko. Pero bilang ate, sinumbong ko kay Mommy. Kinaumagahan, pinalayas na ni Mommy si Daddy. Pagkauwi ko galing paaralan, wala na siya. Dumiretso lang ako sa kwarto, at nung alam kong wala ng nakakakita sakin, umiyak ako ng umiyak. Sinisi ko sarili ko kung bakit naghiwalay sila. Sabi ng mga kaibigan ko, maging matapang lang ako. Di ko daw kasalanan yun, si Daddy daw ang mali. Kung hindi ako nagsumbong, siguro hanggang ngayon, pinagmumukhang tanga ni Daddy si Mommy. Simula nung maghiwalay sila, doon ako nagsimulang maging mapag-isa dito sa aming bahay. Isa rin yun sa dahilan kung bakit lagi ako ginagabi sa galaan. Minsan nga mas nanaisin ko pang kasama ang aking mga kaibigan kaysa sa aking sariling pamilya. Dahila pag nasa bahay lang ako, ramdam ko na may kulang. Pero tuloy pa din ang buhay, kaya eto, nagpapakatatatag lang.
Labing-pitong taon pa lamang ako, pero madami na kong pinagdaanan. Rebeldeng anak ako. Nagkaroon nga ng pangyayari kung saan pinalayas ako dahil tumatatakas ako tuwing gabi. Di ko alam kung saan ako pupunta. Biglang pumasok sa isip ko na pumunta kay Daddy sa Bulacan. Kinapalan ko na ang mukha ko, pumunta ako dun at nakiusap na kupkupin na lang niya ako. Tinanggap niya ako, kahit na ako ang nagsumbong kay Mommy na may kirida siya. Dalawang buwan akong nanatili doon, at sa mga panahong yun naging malapit ako kay Daddy. Nalaman ko din na ako pala ang paborito niyang anak. Sa piling ni Daddy, nakaramdam ako ng kalinga ng isang magulang. Dumating ang finals noong 1st year second sem. Wala akong pambayad. Wala kaming pagkukuhanan ng pera, dahil wala naman trabaho si Daddy. Balak ko na sanag magtrabaho na lang, pero hindi niya ako pinayagan. Sabi niya, ibabalik na lang daw niya ako kina Mommy, pero tumutol ako. Pagkadating ko sa paaralan noon, sinabi ko agad sa mga bestfriends ko yung sinabi ni Daddy. Sumang-ayon sila, dapat na daw talaga akong bumalik kay Mommy. Humingi ng tawad, tanggalin ang pride. Inisip ko si Daddy, kung sino na ang mag-aalaga sa kanya. Sabi ng mga kaibigan ko, pwede ko pa naman siya bisitahin. Humingi ako ng lakas ng loob sa mga kaibigan ko. Sinuportahan nila ako. Sinamahan pa nila ako kay Mommy para humingi ng tawad. At nagawa ko naman. Pinayagan na akong umuwi. Kinabukasan, nag-impake na ako at nagpaalam na sa ama ko at sa mga kamag-anak ko sa Bulacan.
Kung titignan ako, walang kakaiba sa akin maliban lang sa pagiging payat. Pero may mga malalim na sikreto akong tinatago na tanging mga pinagkakatiwalaang kaibigan ko lang ang nakakaalam. Kahit na magulo ang pamilya ko, maswerte padin ako dahil may mga kaibigan ako na dumadamay sa akin at sumusuporta. Nagmahal na din ako ng sobra, at nasaktan ng sobra. Nagmahal kung saan pinagpalit ko ang lahat, pamilya at kaibigan, para lang sa isang taong niloko ako at ipinagpalit sa iba. Pero hindi na mahalaga kung sino at bakit, ang mahalaga ay natuto ako. Sa bawat landas na tatahakin ko, tanging ang pamilya at kaibigan lamang ang mga taong hinding hindi ako iniwan. Ngayon, oras naman para bumawi sa kanila.
Ganyan ang ikot ng buhay ko, magiging masaya tapos biglang magiging malungkot. Ang mahalaga magpakatatag ako at manalig sa Diyos. Pagsubok lamang Niya ito sa akin. Dahil alam niyang mahina akong tao, kaya niya pinapalakas. May dahilan ang lahat. Ngayon, masaya ako sa buhay ko. Lagi akong positibo sa lahat na mga problemang darating sa buhay ko. Ang tanging iniisip ko na lamang ay ang kinabukasan ko. Tutuparin ko ang aking mga pangarap. Magiging matatag lang ako.
No comments:
Post a Comment